Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi na sapat ang paghahain ng diplomatic protest laban sa China para ilaban ang ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS).
Ang pahayag ng kongresista ay kasunod na rin ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan hinarang at binombahan ng tubig ng Chinese Coast Guard ang sasakyang-pandagat ng mga Pilipinas na naghahatid lamang ng suplay.
Sinabi ng kongresista na mas dapat na maging “pro-active” ang pamahalaan sa paggiit sa karapatan sa teritoryo sa halip na idaan lamang sa mga paghahain ng protesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) o kaya naman ay pagpapatawag sa embahador ng China para pagpaliwanagin sa kanilang mga aktibidad sa West Philippine Sea at iba pang teritoryo ng Pilipinas.
Dahil aniya sa mga agresibong aksyon ng China, malinaw na hindi tumatanggap ng pananagutan ang nasabing bansa.
Ipinaalala ng kongresista na bukod sa pang-aangkin ng teritoryo ay mas malala na ang ginawang pisikal na pag-atake ng China sa mga Pilipino na nasa atin namang teritoryo.
Dagdag ni Zarate, ang mga protesta ay mistulang record lamang ng posisyon ng gobyerno, maliban na lamang kung babasagin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang katahimikan at kokondenahin ang mga ginagawa ng China.
Nanawagan din ang grupo sa mga kandidato sa halalan na ideklara na ang kanilang posisyon kung pabor o tutol sa pro-China Policy ng Duterte administration.