Diplomatic ties ng Pilipinas at China, pinapa-review ni Sen. Lacson

Iminungkahi ni Committee on National Defense Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson na muling pasadahan ang mga nilalaman ng diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at China.

Nagtataka kasi si Lacson kung anong klaseng kaibigan ang China na patuloy na kumakamkam sa mga sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Idiniin ni Lacson na dapat ay maging “innovative and creative” ang Pilipinas sa pag-aaral dahil hindi na epektibo ang diplomatic protests.


Dismayado rin si Lacson sa pang-aagrabyado at pagkibit-balikat ng China sa mga protestang inihahain ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa mga ginagawa nito sa West Philippine Sea (WPS).

Kasabay nito ay nanawagan din si Lacson sa mga kasamahang senador na suportahan si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., sa pagpalag nito sa isa sa pinakahuling ginawa ng China sa mga Pinoy na nasa West Philippine Sea.

Iginiit din ni Lacson na dapat kumilos na ang Pilipinas para sa pagpapalakas ng alyansa sa mga bansang may malalakas na kakayahang pang-militar gaya ng Estados Unidos, Australia, Japan at mga kasapi ng European Union para sa pagmantini ng balance of power sa West Philippine Sea.

Facebook Comments