Ginamit na sa kauna-unahang pagkakataon ng China at Pilipinas ang direct communication mechanism para resolbahin ang mga insidente sa karagatan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Teresita Daza na nitong February 14, tumawag ang China sa ekslusibong linya ng komunikasyon kaugnay sa naganap insidente sa Ayungin Shoal na sinagot naman aniya ng gobyerno ng Pilipinas.
Matatandaang ang direct communication mechanism ay una nang napagkasunduan ng DFA at ng Chinese Ministry of Foreign Affairs makaraang bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa China at nagkausap sila ni Chinese President Xi Jinping.
Sa pag-uusap, nilinaw ng China ang proseso ng mekanismo, habang sa panig ng Pilipinas, ay tinanong nila kung bakit nagkaroon pa ng laser pointing incident.
Ayon pa kay Daza, bukas sa pakikipag-dayalogo ang Pilipinas at handang tumugon sa mekanismo pero dapat din naman aniyang may kumpletong aksyon ang China sa ganitong mga pangyayari matapos ang inihaing protesta ng Pilipinas.
Sa datos ng DFA mula nitong Enero hanggang ngayong Pebrero, nasa 9 na diplomatic protests na ang inihain ng Pilipinas laban sa China dahil sa ibat’ ibang iligal na aktibidad nito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Noon naman aniyang 2022, umabot sa 195 diplomatic protests ang inihain ng Pilipinas laban sa China.
Sumasagot naman aniya ang China subalit hindi lamang niya matiyak kung ilan sa mga protestang ito ang sinagot ng nasabing bansa.