
Para masigurong hindi na magkakaproblema sa pagpapauwi sa mga puganteng foreign national na nauugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ipatutupad na ng Bureau of Immigration (BI) ang direct flights sa mga ito.
Sa inilabas na BI Board of Commissioners Resolution No. 2025-002, ang mga deported foreign national na kasabwat sa POGO ay direktang pauuwin sa kanilang bansa maliban na lamang kung walang diretsong biyahe mula sa Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, ipinagbawal ang pagsakay ng mga deportee na konektado sa mga POGO sa mga biyahe ng eroplano na may layover o hindi direkta ang lipad sa dapat na destinasyon nito.
Aniya, solusyon ito sa butas sa patakaran na sinamantala ng ilang POGO deportee kung saan bahagi ito ng pagpapalakas ng deportation procedure ng BI.
Katuwang ng BI ang Department of Justice (DOJ) sa pakikipag-ugnayan sa mga airline at mga embahada ng ibang bansa para masiguro ang maayos na pagpapatupad ng naturang bagong patakaran.