Direct workers subsidy, iminungkahi ng isang kongresista sa NEDA

Inirekomenda ni House Committee on Economic Affairs-Economic Cluster Co-Chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo sa National Economic and Development Authority (NEDA) na magbigay ng subsidiya sa mga manggagawa lalo na sa mga apektado ng pagbabawas sa sweldo dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa virtual hearing ng komite, iginiit ni Quimbo na dapat makahanap ng paraan ang pamahalaan na masuportahan ang sahod ng mga empleyado dahil malaki na ang naging epekto ng wage reduction sa poverty rate ng bansa.

Iginiit ng kongresista na dapat isipin ng gobyerno na “last policy resort” ang pagbabawas sa sweldo.


Bagama’t batid ni Quimbo na nag-isyu ng memo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na pumapayag sa wage reduction kaakibat ng “consent” mula sa empleyado, nangangamba ang mambabatas na baka kumapit lamang sa patalim ang mga manggagawa dahil sa hirap ng buhay ngayon.

Sinabi naman ni NEDA Acting Secretary Karl Kendrick Chua na kailangan ngayon ang temporary wage reduction para mapanatili ang mga trabaho.

Nauna dito ay naglabas ang DOLE ng labor advisory para sa employment preservation o pagpapanatili sa mga negosyo at trabaho sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “adjustment” sa sahod at benepisyo ng mga empleyado.

Facebook Comments