Thursday, February 12, 2026

Director at iba pang kasalukuyang tauhan ng BFP, pinakakasuhan ng DILG

Inanunsyo ni Interior secretary Jonvic Remulla na isasama na nila sa sasampahan ng kaso si Bureau of Fire Protection (BFP) director Jesus Fernandez kaugnay ng maanomalyang bentahan ng fire extinguisher.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Remulla na sa susunod na linggo ay may 40 mga tauhan ng BFP ang kanilang kakasuhan at isasama na ang kanilang pinaka pinuno.

May isang libo pa umanong mga tauhan ng BFP ang nakatakdang kasuhan sa mga susunod na araw.

Ginawa ni Remulla ang pahayag matapos matuklasan na kahit may body camera na ang mga fire inspector ay nagpapatuloy pa rin ang bentahan ng mga fire extinguisher.

Aniya, mas nauuna pa ang mga nagbebenta ng fire extinguisher kaysa sa mga fire inspector.

Imposibleng di alam ni Fernandez ang systemic na bentahan ng mga fire extinguisher sa mga maliliit at katam-tamang laki ng mga establisyimento.

Ikinagalit din ni Remulla na maging ang kaniyang pamangkin sa Cavite na isang maliliit na negosyante ay hindi pinalampas ng modus.

Facebook Comments