Malugod na tinanggap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang bagong talagang pinuno na si PDEA Director General Wilkins Villanueva.
Sa isang statement, sinabi ng PDEA na positibo sila sa pamumuno ni Villanueva dahil bitbit nito ang halos dalawang dekadang karanasan sa larangan ng drug law enforcement.
Humawak si Villanueva ng iba’t ibang mga posisyon mula sa Philippine National Police (PNP) Narcotics Group at bilang isa sa mga pioneering officers ng PDEA.
Sa kanyang post sa social media, nagpasalamat si Director General Villanueva kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ibinigay na tiwala at kumpiyansa na pamunuan ang war on drugs ng pamahalaan.
Nangako si Villanueva na hindi niya bibiguin ang Pangulo at nangakong ipagpapatuloy ang giyera kontra droga.
Una nang nilinaw ng PDEA na hindi nagbitiw si outgoing PDEA Director General Aaron Aquino kundi inalis siya sa puwesto at ililipat ng ibang posisyon.