Director ng Bureau of Plant Industry, pinagbibitiw ng isang kongresista

Pinagbibitiw ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta si Bureau of Plants Industry o BPI Director Glenn Panganiban bunsod ng umano’y kabiguang tuparin ang responsibilidad na bantayan ang suplay ng sibuyas kaya namanipula ang presyo nito.

Sa tingin ni Marcoleta ay hindi natutukan ni Panganiban ang BPI at ang iba pa niyang pinamumunuan kabilang ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program at High-Value Crops Development Program.

Sa pagdinig ng Committee on Agriculture and Food, kung saan bigong nakadalo si Panganiban ay kinwestyon din ni Marcoleta ang pasya ng BPI na gawing pamalit ang pulang sibuyas sa puting sibuyas na base lamang sa payo isang farmer representative.


Pinuna rin ni Marcoleta kung bakit noon lamang August 10, 2022 na huling araw na ng suplay para sa puting sibuyas, nagpulong ang Inter-Agency Task Force para tugunan ang papaubos nang suplay ng sibuyas.

Sa pagdinig ay pinatiyak naman ni Quezon Rep. David ‘Jayjay’ Suarez sa BPI na siguraduhing nababantayang mabuti ang mga cold storage facility upang hindi maulit ang pananatili sa mga ito ng sibuyas noong nakaraang taon na inilabas lamang nang tumaas na ang presyo.

Kaugnay nito ay iginiit naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., sa BPI na agad bisitahin ang mga cold storage at magsagawa ng imbentaryo upang matukoy kung totoong puno na ang mga ito at malaman kung lokal o imported ang mga nakaimbak ditong sibuyas.

Facebook Comments