Humingi ng paumanhin sa publiko ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kumakalat na sexy dance video ng isang babae sa NBI command conference event noong nakaraang linggo.
Mismong si NBI Dir. Menardo de Lemos ang humarap sa media para ipaabot ang kanilang paumanhin sa naturang insidente.
Paglilinaw ni De Lemos, hindi sa panahon ng command conference nangyari ang viral video kundi sa isang fellowship.
Aminado ang direktor na nandoon siya noong magsimula ang fellowship pero maaga raw siyang umuwi at hindi na niya nakita ang pagpapasayaw sa babae.
Kung sakaling naroon naman daw siya, ay hindi siya papayag na mangyari ang insidente.
Dahil dito, nagsagawa na ang NBI ng internal investigation para alamin kung sino ang namuno para sa nasabing live show.
Tiniyak ni De Lemos sa publiko na papatawan ng karampatang parusa ang nasa likod ng nasabing insidente.