
Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malinaw na nakatutok na sa kaniyang sariling bakuran at sa ilang kaalyado ang direksyon ng imbestigasyon sa katiwalian sa flood control projects ng gobyerno.
Ayon sa pangulo, hindi niya ibinunyag ang mga anomalya para sa pansariling interes sa politika, kundi para tuldukan ang pagnanakaw ng iilan sa kaban ng bayan.
Mananatili aniyang sira ang mga paaralan, kulang ang ospital, at bagsak ang serbisyong panlipunan kung hindi magagamit nang tama ang pondo ng bayan.
Giit pa ng pangulo, dekada na ang lumipas na paulit-ulit na winawaldas ang pera ng bayan at hindi siya papayag na maging bahagi ng ganitong palpak na sistema.
Mawawalan aniya ng saysay ang mga programa para sa pag-unlad ng bansa kung patuloy na mauubos ang pondo dahil sa korapsyon.









