Direktang pagkonekta ng mga paliparan sa power plants, iminungkahi ng isang kongresista

Iminungkahi ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na direktang ikonekta sa mga power plants ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA at iba pang mga paliparan sa bansa.

Paliwanag ni Lee, sa ganitong sistema ay milyon-milyong pisong ang matitipid sa halip na nakakonekta sila sa mga utility providers lamang.

Inihalimbawa ni Lee ang NAIA Terminal 3 kung saan tinatayang aabot sa 40% ang matitipid mula sa P40 million kada buwan na electricity bill nito.


Binanggit ni Lee na habang wala pa ang itinutulak niyang direct connection, ay maiging pumasok muna sa isang kasunduan kung saan ang mga utility provider ang sisiguro sa kinakailangang maintenance ng mga airports, imbes na maging dagdag na gastos pa ito ng gobyerno.

Giit ni Lee, hindi unlimited ang pera ng gobyerno at ito ay buwis na pinaghihirapan ng taumbayan na dapat ding bumalik sa kanila bilang benepisyo.

Ayon kay Lee, ang matitipid sa gastos sa kuryente ng mga paliparan ay mailalaan sa ibang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan tulad ng health care services, pabahay at tulong sa mga magsasaka.

Facebook Comments