Direktang pakikipag-usap sa mamamayan pantapat ni Ping sa mga survey

Ramdam ang resulta at epektibo ang ginagawang sistema ni Partido Reporma presidentiable Panfilo ‘Ping’ Lacson para tugunan ang mga naglalabasang survey kung saan nagpapakita ng pagbaba ng numero ng karamihan sa mga kandidato sa pagkapangulo.

Sa kanyang pagtungo sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan noong Martes, kampanteng isiniwalat ni Lacson na mabisang pantapat sa mga resulta ng mga survey ang personal na pakikipagtalastasan sa mga tao upang harapan siyang matanong at masagot niya ang mga lokal na problemang kinakaharap ng mamamayan ng lugar na binibisita.

“Kaya ako nagsadya sa Sanchez Mira kasi para ipagbigay-alam sa inyo; Kasi medyo malayo sa Manila ang Sanchez Mira. Kaya ako humaharap sa inyo para i-present ‘yung aming plataporma. Kasi marami sa ating mga kababayan parang tumitingin lang sa—parang medyo mababaw ang pananaw, tumitingin sa popularidad. Hindi na masyadong nasusuri ano ba ‘yung pwedeng i-contribute ng isang kandidato sa isang bayan,” pagsisiwalat ni Lacson.


Ayon kay Lacson, napakahalaga para sa kanya bilang isang kandidato na mapuntahan ang mga lugar na hindi napupuntahan ng ibang nag-aalok maging lider ng bansa dahil mas mabisa ang direktang pakikipag-usap sa mga tao.

“‘Yun nga, baka pwedeng magpunta tayo sa mga lugar na hindi napupuntahan ng ibang mga kandidato nang sa ganoon maipaliwanag ko naman, maipresenta ‘yung aking sarili at kung ano ‘yung aking nagawa na at kung ano ‘yung kaya kong gawin. ‘Yun po ‘yung dahilan at nagpapasalamat ako sa inyo, sa inyong lahat na naririto, at naririnig niyo ako,” banggit ni Lacson.

Pagtitiyak ni Lacson, kung ano ang kanyang sinasabi at maging ng partner na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa mga lugar na pinupuntahan nila ay kanilang tutuparin.

“Kapag kami’y binigyan ng pagkakataon sa tulong ng ating Panginoon at sa tulong ng ating mga mamamayan, basta isa lang masasabi namin sa inyo: ‘Hindi namin kayo bibiguin.’ Babaguhin namin ang takbo sa Pilipinas para ‘yung lahat ng pangangailangan ng mga pangkaraniwang mamamayan, sa pamamagitan ng ating pambansang budget, makarating sa inyo. Hindi ‘yung nasasala at napupunta lang kung kani-kanino,” ayon kay Lacson.

At gaya ng sa ibang lugar na napupuntahan, baon ni Lacson ang kanyang adbokasiya sa pagsasalita sa mga residente ng Sanchez Mira na kinapapalooban ng 70 porsyentong magsasaka at mangingisda at 30 porsyentong propesyunal.

“Mayroon kaming programa ‘yung BRAVE (Budget Reform Advocacy for Village Empowerment). Tawag lang namin doon village empowerment pero actually empowerment ng mga Local Government Unit (LGU). Dahil napag-alaman namin sa pagbusisi sa national budget; Babalik at babalik tayo sa national budget kasi ‘yon po ‘yung lifeblood ng ating ekonomiya, if not, the lifeblood of our country itself,” dugtong pa ni Lacson.

Facebook Comments