Direktiba ni PBBM na ipantulong sa mga magsasaka ang sobrang koleksyon ng RCEF, suportado ng liderato ng Kamara

Buo ang suporta ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pasya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ipantulong sa mga magsasaka ang sobrang nakolektang buwis mula sa imported na bigas.

Batay sa direktiba ni PBBM sa mga opisyal ng Department of Agriculture, ang sosobra sa target na P10 bilyon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay maaaring gamitin sa pagbili ng kailangang kagamitan pagsasaka tulad ng drying at mechanization equipment.

Tinukoy ni Romualdez na sa ilalim ng Republic Act 11203, o Rice Tariffication Law, nakalaan ang P10 bilyon mula sa makokolektang buwis sa imported na bigas para sa RCEF na gagamitin sa mga programa at proyekto at pagpapataas ng kakayanan at ani ng mga magsasaka ng palay.


Ayon kay Romualdez, ang paggamit sa sobrang kita ng RCEF ay ang pinakabago sa serye ng mga hakbang ni Pangulong Marcos upang mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka ng palay at maibaba ang presyo ng pagkain sa bansa.

Facebook Comments