Suportado ng Senado ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na iprayoridad ang pagpopondo sa mga pangunahing proyekto na mahalaga sa social at economic transformation ng bansa.
Ayon kay Senator JV Ejercito, ang mga proyekto ay nakalinya sa kanilang adbokasiya partikular sa imprastraktura tulad ng mga railways at airports at universal healthcare.
Sinabi ng mambabatas na sa bahagi ng Senado ay tiniyak nila na ang mga foreign-assisted priority projects tulad ng mga railway projects ay nabigyan ng alokasyon ng Senado sa kanilang budget version at kasama rin sa mga programmed funds upang matiyak na tuloy-tuloy at walang magiging delay sa paggawa ng mga proyekto.
Bukas din sa Mataas na Kapulungan ang ibinigay na katiyakan ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary, Arsenio Balisacan, na ang mga proyekto ay popondohan nang hindi pinapatawan ng bagong buwis.
Siniguro din ni Ejercito na patuloy ang Mataas na Kapulungan na makipagtutulungan sa Marcos administration upang matapos sa itinakdang panahon ang mga proyekto.