Dirty money, posibleng nagagamit din sa iligal na droga; Pagkakaroon ng database sa mga dayuhang pumapasok sa bansa, hiniling

Pinangangambahan ng isang kongresista na nagagamit nga sa iligal na droga ang bilyong pisong halaga na nakakapasok sa bansa na dala umano ng mga Chinese at iba pang hinihinalang sindikatong grupo.

Ayon kay Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers, noong nakaraang taon pa niya sinabi na posibleng may malaking perang pumapasok sa bansa na nagagamit ng mga sindikato sa droga.

Duda rin si Barbers sa katwiran ng mga dayuhang may dalang malaking halaga ng salapi na gagamitin nila ang pera sa pagnenegosyo.


Kung negosyo at pamumuhunan ang ipinunta ng isang dayuhan sa bansa ay dapat idinaan sa bangko ang pera at hindi ito personal na bitbit dahil may mga umiiral na international law na hindi dapat lalagpas sa $10,000 ang dalang halaga.

Bukod dito, hindi lang tourist visa ang hawak ng isang dayuhan na balak mamuhunan kundi isang special investor’s visa.

Dismayado si Barbers sa relax na pamamaraan ng mga taga-airport, Immigration, Customs, AMLC sa pagpasok ng dirty money sa bansa.

Pinakikilos ni Barbers ang gobyerno na magkaroon ng database system sa mga dayuhang pumapasok sa bansa upang agad na maideklarang red flag lalo na kung kaduda-duda ang pagpapabalik-balik sa Pilipinas na may dala pang malaking halaga.

Facebook Comments