Tataas ng 350 hanggang 488 percent ang disability pension na matatanggap na ng ating mga beterano matapos na lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act 11958 o An Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Dependents.
Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, ang pinakahihintay na batas na ito ay isang significant milestone para kilalanin at parangalan ang ating mga beterano na inilaan ang kanilang buhay para sa pagseserbisyo sa bansa.
Aniya, ang katapangan at dedikasyon ng ating mga beteranong sundalo ay hindi kailanman masusukat at karapat-dapat lamang na ibigay ang dagdag na benepisyo.
Sa ilalim ng bagong kapapasang batas, ang mga beteranong kasalukuyang tumatanggap ng P1,000 disability base rate kada buwan ay tataas na sa P4,500 kada buwan (350%↑); ang mga P1,200/buwan naman ay magiging P6,100/buwan (408%↑); ang mga tumatanggap naman ng P1,300/buwan ay tataas na sa P6,900/buwan (431%↑); ang P1,400/buwan ay magiging P7,700 /buwan (450%↑); ang mga P1,500/buwan ay tataas sa P8,500/buwan (467%↑); habang ang P1,600/buwan ay tataas na sa P9,300/buwan (481%↑); at ang mga tumatanggap ng pinakamataas na disability pension na P1,700/buwan ay magiging P10,000/buwan.
Maging ang buwanang pensyon ng asawa at mga anak na menor de edad ay dodoble rin sa P1,000 kada buwan mula sa dating P500 lang.
Dagdag ni Estrada, ang pagtataas sa disability pension na natatanggap ng ating mga beteranong sundalo ay malaking tulong para sa kanila at sa kanilang dependents dahil sa bawat piso na ipinangtustos nila pambili ng gamot at iba pang pangangailangang medikal ay napapalawig ang panahon na makapiling pa ng matagal ang mga mahal nila sa buhay.
Nagpasalamat din ang senador sa pagsasabatas dito ni PBBM dahil ang hakbang na ito ay nagbibigay ng malakas na mensahe na pinahahalagahan ng gobyerno ang mga sakripisyo ng mga beterano at ang kanilang kapakanan ay nananatiling pangunahing concern sa bansa.