Dahil sa halos mag-iisang linggo na ring problema ang suplay ng tubig sa Mandaluyong City, nagsagawa ng emergency meeting ang Disaster cluster ng Mandaluyong kasama ang ilang kinatawan ng Manila Water.
Dito natalakay ang mga mungkahi kung paano matutugunan ang problema gayong unti-unti nang natutuyo ang La Mesa Dam na pinagkukunan ng tubig ng naturang water concessionaire.
Ayon sa Mandaluyong PDRRMO, hiniling nila sa Manila Water na sundin ang mga schedule na inilalabas nila sa kung anong mga lugar ang magkakaroon ng mahina hanggang sa walang suplay ng tubig.
Bukod dito, inatasan nila ang bawat barangay na ihanda ang kanilang nasasakupan sa pagrarasyon ng tubig at ihanda rin ang mga volunteers na tutulong sa pagrarasyon.
Samantala, nagpaalala naman ang Mandaluyong PDRRMO sa mga taga Mandaluyong na magtipid ng tubig.