DISASTER INCIDENT MANAGEMENT TASK GROUP, NAKAALERTO DAHIL SA POSIBLENG PANANALASA NG BAGYONG MARCE

Cauayan City – Nakaalerto na ngayon ang kapulisan ng Police Regional Office 2 para sa posibleng pananalasa ng Bagyong Marce sa buong lambak ng Cagayan.

Bilang paghahanda, bumuo ang PRO2 ng Disaster Incident Management Task Group (DIMTG) upang obserbahan ang mga pagbabago sa bagyo habang papalapit ito, at ang sitwasyon ng iba’t-ibang lugar sa buong Lambak ng Cagayan.

Maliban dito, activated na rin ang Reactionary Standby Support Force ng PRO2 na siyang magiging karagdagang pwersa sakali man na rumespunde.


Nakikipagtulungan na rin ang PRO2 sa Office of the Civil Defense, Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga Local Government Units upang mas maging epektibo ang kanilang gagawing monitoring at pagbibigay abiso sa publiko kaugnay sa sitwasyon sa buong lambak ng Cagayan ngayong bagyo.

Samantala, mahigpit na ipinag-utos ni PRO2 Regional Director Police Brigadier General Antonio Marallag na mas paigtingin ang paghahatid impormasyon sa publiko kung paano paghahanda na nararapat nilang gawin ngayong panahon ng sakuna.

Facebook Comments