CAUAYAN CITY – Patuloy na napapakinabangan ng mga Cagayano ang mga nabiling disaster response equipment ng Provincial Government of Cagayan (PCG).
Ayon sa datos na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng nabanggit na lalawigan, mayroon nang 32 ambulance at rescue car, 10 rubber boats, 6 Russian truck, 2 jet ski, 1 rescue speed boat, 5 drones at search, rescue and relief (SRR) truck, at 40 units ng motorsiklo ang lalawigan.
Bukod dito, ilan pa sa mga rescue equipment na nabili ng PCG ay ang life vest, modular tents, parachute tents, at generator sets.
Ipinahayag naman ni Ginoong Rueli Rapsing, Officer-in-Charge ng PDRRMO na ilan sa mga equipment ay ibinigay na sa mga Municipal DRRM at nagagamit na tuwing may bagyo, sakuna, at kalamidad.
May mga kagamitan ding inilaan sa pitong (7) istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT) na maaaring gamitin sa mga rescue operations.
Samantala, nakatutok naman ang PDRRMO sa ipinapatayong DRRM School kung saan ay naglalayong makapagbigay kaalaman sa mga kabataan ang tamang pagsusuri, pagpaplano at pananaliksik upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna at kalamidad.