Ipagpapatuloy ng water concessionaires ang disconnection activities nito sa Agosto para sa billing statement na inilabas sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa abiso ng Manila Water at Maynilad, ang mga customer ay mayroong hanggang July 31, 2020 para bayaran ang mga naipong billings sa ilalim ng ECQ.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Head Jeric Sevilla, ang disconnection services ay magsisimula sa August 1 para sa non-lifeline customers, at September 1 para sa lifeline customers o residential households na kumokonsumo ng 10 cubic meters o mababa pa kada buwan.
Sinabi ni Sevilla na asahan ng mga customer ang 7 hanggang 15% na pagtaas sa kanilang June bill habang ang mga commercial at industrial customers ay magkakaroon ng 20 hanggang 30% increase.
Sinabi naman ni Maynilad Business Area Spokesperson Zmel Grabillo, parehas din ang ipapatupad nilang schedule.
Bagama’t padadalhan ang mga customer ng disconnection notices, bibigyan sila ng pagkakataon na mabayaran ang kanilang balances.
Matatandaang nagsimula nang magsagawa ng meter reading ang water concessionaires ngayong buwan.