DISCOUNT PARA SA MGA PAMBANSANG ATLETA, ISINA-PINAL NA!

Baguio, Philippines – Isang resolusyon ang pinirmahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, patungkol sa pagbibigay ng diskuwento ng mga lokal na establisimyento para sa mga pambansang atleta.

Sa napirmahang City Council Resolution No. 355, series of 2020, nakasaad na kailangang magbigay ng pormal na direktiba ang mga ahensya ng gobyerno para masigurado ang pagsunod ng mga establisimyento sa Republic Act 10699, o ang National Athletes and Coaches, Benefits and Incentives Act, kung saan nakalagay sa naturang batas ang pagbibigay ng 20% discount ng mga ito sa mga atleta na gagamit ng transport services, pag-upa sa mga lodging establishments, pagtangkilik sa mga serbisyo, at paggamit sa mga amusement and leisure facilities. Kailangan lang ipakita ang inisyung identification card at booklet ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ilang mga atleta naman ang napapabalitang, tinatanggihan ng ilang mga establisimyento sa mga insentibo ng mga ito at ang ilan ay tinatawanan pa, sa kabila ng kanilang sakripisyo para irepresenta ang bansa kahit malinaw na ipinatutupad ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Regulation No. 13-2020 para sa benepisyo at pribilehiyo na, sumasailalim sa RA 10699.


Sinisigurado naman ng alkalde na matututukan ang pagbibigay ng sapat na benepisyo sa mga pambansang atleta para pagbutihin pa lalo ng mga manlalaro ang pagbibigay ng karangalan sa bansa.

Facebook Comments