Discount sa travel tax para sa mga senior citizens, isinusulong ng isang senador

Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada na mapagaan ang gastos ng mga senior citizens sa tuwing nanaisin nilang makabyahe sa loob o labas man ng bansa.

Dahil dito, inihain ni Estrada ang Senate Bill 2379 na layong mabigyan ng 20 porsyentong diskwento sa travel tax ang ating mga nakatatanda.

Palalawakin ng panukala ang probisyon ng “Senior Citizens Act” dahil sa dagdag na benepisyo para sa mga seniors.


Iginiit ni Estrada na tulad niyang isang senior citizen, malaking bagay kung may diskwento sa mga gastusin nila lalong-lalo na sa mga binabayarang buwis.

Aniya pa, para sa mga ordinaryong senior citizens, ang matitipid nila ay maaari nilang ipangtustos sa iba pa nilang mga bayarin o pangangailangan.

Dagdag pa ni Estrada, ang kanyang panukala ay naglalayon din na hikayatin ang mga senior citizens na magbiyahe, tuklasin ang mga bagong lugar, maranasan ang iba’t ibang kultura na maaaring makaambag pa sa kanilang pangkalahatang kalidad ng buhay at para na rin sa mental at emosyonal na kapakapanan ng ating mga lolo at lola.

Facebook Comments