Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na patuloy na sumunod sa mga health protocol upang makaiwas sa anumang posibleng hawaan ng sakit.
Kasunod ito ng pahayag ng World Health Organization (WHO) na dapat maghanda ang mundo sa “Disease X” na posibleng mauwi sa panibagong pandemya.
Ayon kay DOH Usec. Eric Tayag, ang “Disease X” ay bansag sa isang potensya at hindi pa tukoy na sakit.
“Unang-una, walang Disease X. [Ito ay] isang bansag o pagturing na ang sinimulan niyan ng taong 2018 sa ating dapat gawing paghahanda para sa isang sakit na hindi pa natin nalalaman kung ano ang sanhi. Ibig sabihin, unknown pathogen at nangyari na nga ‘yan nung nagkaroon tayo ng pandemya noong 2020 kaya yung marami tinuturing itong SARS-COV 2 na naging sanhi ng COVID-19 na isa doon sa disease X,” ani Tayag sa panayam ng DZXL News
Kaya sa halip na pagmomonitor, paghahanda aniya ang ginagawa ng WHO.
“Imbes na imomonitor natin ‘yan, kasi anong imomonitor natin, hindi naman natin alam, kung ano ‘yan? Tiningnan nila [World Health Organization at iba pang malalaking organisasyon] isa-isa itong mga virus families at tinitingnan nila, meron bang susuklpot dito nang sa ganon ay meron tayong gamot, bakuna at higit sa lahat meron tayong pang-testing,” saad niya.
Isa rin aniya sa pinaghahandaan ng WHO ay ang pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga sakit na posibleng umusbong upang hindi maulit ang nangyari noong COVID-19 pandemic kung saan nangibabaw ang fake news.
“Kaya yung ating paghahanda, dapat nandyan parati yung ating paghuhugas ng kamay at hindi tayo basta umuubo o bumabahing nang hindi tinatakpan ang ating bibig” saad niya.
“At kung maaari, yung ating mga kababayan ay maging alerto. Anumang unusual events sa hayop man o sa tao i-report niyo kaagad sa mga otoridad nang sa ganon ay maimbestigahan na kaagad yan,” dagdag ni Tayag.