*Cauayan City, Isabela- *Pinakamataas pa rin ang bilang ng mga motorsiklo na sangkot sa aksidente na naitala ng Rescue 922 sa Lungsod ng Cauayan.
Base sa datos ng Rescue 922, umabot na sa halos 300 aksidente sa motor ang naitala mula Enero hanggang Abril ngayong taon.
Sa naitalang bilang na 269 ay 163 dito ang mga nagmaneho na naaksidente dahil nasa impluwensya ng alak habang nasa 154 naman sa mga naaksidente ang hindi nagsusuot ng helmet at lima na rito ang nasawi dulot ng mga aksidente.
Batay pa sa datos ng Rescue 922, karamihan pa rin sa mga dahilan ng aksidente sa Lungsod ay ang kawalan ng disiplina sa pagmamaneho.
Paalala naman ng Rescue 922 sa mga motorista na iwasang magmaneho kung nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Ugaliin din na magsuot ng helmet upang magsilbing proteksyon sa sarili kung sakali man na mabagok mula sa aksidente.
Dagdag dito, sumunod sa mga batas trapiko na ipinapatupad sa Lungsod ng Cauayan upang makaiwas sa aksidente at anumang paglabag.