Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang lalaki matapos tumangay ng motorsiklo noong ika-sampu ng Abril taong kasalukuyan.
Kinilala ang suspek na si Paulo Quijon, disi nuwebe anyos, walang asawa at residente ng barangay Sta. Rosa, Aurora, Isabela.
Batay sa ibinahaging impormasyon ng PNP Cauayan City, si Quijon ay dinakip kahapon ng PNP Aurora at dinala ito sa himpilan ng PNP Cauayan City ngayong araw, April 16, 2018 maging ang motorsiklong Yamaha Mio na may plakang BC 70343 na pagmamay-ari ni Christian Tagle, bente otso anyos, walang asawa at residente ng Turayong, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Police Senior Inspector Esem Galiza ng PNP Cauayan City, narekober umano ang motorsiklo sa tulong ni Darvin Martinez na residente ng Sta. Rosa, Aurora kung saan siya ang nagsuplong sa himpilan ng PNP Aurora hinggil sa carnapped na motorsiklo ni Tagle.
Aniya, nakita umano ni Martinez sa social media ang nawawalang motor ni Tagle nang Makita at mapansing pareho ang motorsiklong ginagamit ng kanyang kapatid sa nakita nito sa social media.
Tinanong umano ni Martinez ang kanyang kapatid hinggil sa motorsiklo hanggang sa makumpirma na si Quijon ang nasa likod ng nasabing carnapping.
Dahil dito ay agad na hinuli ng PNP Aurora si Quijon na ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Cauayan City at mahaharap sa Kasong Paglabag sa RA 6539 o Anti-Carnapping Act of 1972.