Disinfection sa mga paaralan, ikinasa ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Nagkasa ng disinfection at paglilinis ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga paaralan bilang paghahanda sa nalalapit na pagsisimula ng “face-to-face” (F2F) classes.

Bukod sa isinasagawang Brigada Balik Eskwela 2022, inatasan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang Manila Health Department (MHD) na pangunahan ang paghahanda katuwang ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) para magsagawa ng paglilinis at disinfection ng mga silid-aralan sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.

Ito’y upang matiyak na ang lahat ng pasilidad ay maging ligtas sa anumang banta sa kalusugan ng mga mag-aaral at ng mga guro.


Partikular na tinutukan ng MDRRMO ay ang paglilinis at pag-disinfect ng mga paaralang ginamit bilang quarantine o isolation facility noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ang inilatag na kautusan ng alkalde sa MHD ay batay na rin sa naunang direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na humihimok sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na tumulong sa mga pribado at pampublikong paaralan sa paghahanda sa pagbubukas ng F2F classes.

Sa naturang direktiba, hinihimok din ng DILG ang local government units (LGUs) na pulungin ang mga miyembro ng sangguniang panlungsod at magsagawa ng kinakailangang paghahanda, kabilang ang pagsasagawa ng pagsusuri sa mga gusali at pasilidad ng mga pampublikong paaralan upang masiguro ang katatagan at integridad ng mga ito.

Facebook Comments