DISIPLINA SA PAGLILINIS AT PAGTATAPON NG BASURA SA DAGUPAN PUBLIC MARKET, HILING NG MGA MANLALAKO

Nanawagan ang ilang manlalako sa Dagupan Public Market ng mas mahigpit na disiplina sa paglilinis at tamang pagtatapon ng basura sa loob ng palengke, sa kabila ng patuloy na paglilinis na isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan.

Sa panayam ng IFM Dagupan, sinabi ng mga vendor na kapansin-pansin ang regular na trabaho ng Market Division, partikular ang paglilinis at clearing operations na ginagawa sa iba’t ibang oras ng araw.

Anila, malaking tulong ang presensya ng mga tagalinis upang mapanatiling maayos at malinis ang pasilidad.

Gayunman, iginiit ng ilan na nananatiling problema ang kawalan ng disiplina ng ilang nagtitinda at mamimili na nag-iiwan ng basura, dahilan upang mabilis ding bumalik ang dumi sa ilang bahagi ng palengke.

Para sa mga manlalako, magiging mas epektibo ang mga hakbang sa kalinisan kung sasabayan ito ng responsableng pagtutulungan at pagsunod ng lahat sa tamang pagtatapon ng basura sa loob ng Dagupan Public Market.

Facebook Comments