Pinasinungalingan ni Philippine Ambassador to Kingdom of Saudi Arabia (KSA) Adnan Alonto na nakakaranas ng diskriminasyon ang ating mga kababayan na tinamaan ng COVID-19 sa Saudi Arabia.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Alonto na nakipagpulong sya kamakailan sa Ministry of Health ng Saudi upang iparating ang balita na hindi umano tinatanggap sa ilang ospital ang mga Filipino na may COVID-19.
Sa kanyang pakikipag-ugnayan, sinabi ni Alonto na lumobo kasi ang kaso ng COVID-19 sa KSA at sa katunayan nasa 108,000 mahigit na ang confirmed cases habang nasa higit 700 naman ang naitalang nasawi.
Dahil dito, hindi agad ma-admit sa ospital ang may sintomas ng COVID-19, bagkus idinidiretso muna sa quarantine facilities at kapag severe na ang kaso ay tsaka pa lamang dadalhin sa designated COVID-19 hospitals.
Sa pinakahuling datos, nasa 200 Filipino sa KSA ang tinamaan ng COVID-19 kung saan hindi naman bababa sa lima ang nasawi.