Aalisin na ang diskriminasyon sa motorcycle riders oras na tuluyang maisabatas ang pagamyenda sa Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, may-akda at sponsor ng panukala sa Senado, hindi na itatratong kriminal ang mga drivers at back riders ng motorsiklo.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, para maiwasan ang paggamit sa mga motorsiklo sa mga krimen tulad ng riding-in-tandem ay pinaglagyan ng mas malalaki, mas madaling mabasa, at color-coded na number plates at identification marks.
Sa isinusulong na panukala, hindi na kakailanganin ang plate number sa harap ng motorsiklo at oobligahin na lamang ang riders na maglagay ng RFID (radio frequency identification) sticker na maglalaman ng engine number, chassis number, at iba pang mga pagkilala ng sasakyan.
Pinababawasan din ng senador ang ipinapataw na multa sa ilalim ng Section 11, 12 at 13 ng batas.
Tinukoy rin ng senador na ang kabagalan ng LTO na maglabas ng plaka ng higit sa siyam na milyon pang motorsiklo ang dahilan kung bakit hindi epektibong naipapatupad ng ahensya ang RA 11235.