Sisilipin sa Senado kung diskriminasyon sa pagkain ang naging ugat ng pamamaril na ikinamatay ng isang pulis sa Taguig City.
Inihain ni Senator Robinhood Padilla ang Senate Resolution 743, kung saan magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs sa naturang insidente makaraang igiit ng Muslim na pulis na sangkot sa pamamaril na nagkaroon na ng ibang insidente ng diskriminasyon bago pa ito mangyari.
Binigyang-diin ng senador na namatay ang isang pulis at nasugatan ang isa pa sa pamamaril noong Agosto 7, matapos ang alitan sa isang Muslim police officer at ang ugat umano ng pamamaril ang paghain ng ulam na karne ng baboy sa himpilan ng pulisya.
Bukod dito, nais ding busisiin ni Padilla ang iba pang insidente na maaaring lumabag sa Islamic dietary laws.
Ilan dito ang pagsisiyasat ng Department of Science and Technology (DOST) CALABARZON sa limamput isang produkto ng isang processed food brand na may “Halal” logo subalit may halong pork, at ang Halal certifier ng kumpanya ay hindi accredited ng National Commission on Muslim Filipinos.
Dagdag din sa sisilipin ang report ng Commission on Audit (COA) kung saan ang caterer ng Bureau of Corrections (BuCor) ay naghain ng pork sa mga Muslim at Seventh-Day Adventists inmates at ang hostage-taking kay dating Senator Leila de Lima sa PNP Custodial Center noong Oktubre 9, 2022, kung saang inireklamo ng isang Muslim inmate na pork ang ihinain sa kanya.