Diskusyon sa Bayanihan 3, itutuloy pagkatapos ng SONA

Ipagpapatuloy ng Kongreso ang pagtalakay sa Bayanihan 3 pagkatapos agad ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 26.

Ayon kay House Ways and Means Chairman Joey Salceda, ang pambansang pondo sa 2022 ay sa Agosto pa sisimulang talakayin kaya may isang buwan pa sila para tuluyang maisabatas ang stimulus package para sa buong taon.

Naniniwala aniya ang Kamara na kahit sa kalagitnaan na ng pag-uusap sa national budget ay kailangan pa rin ng bansa ng stimulus strategy.


Pinakamahalagang stimulus aniya ngayon ay ang vaccination kaya dapat din itong matapos upang makamit ng bansa ang target na herd immunity.

Matatandaang napagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang Bayanihan 3 sa Kamara pero ito ay nakabitin sa Senado at hindi na rin napagbigyan ang panawagan sa pagsasagawa ng special session.

Facebook Comments