Pinagtibay ng Comelec en banc ang resolusyon ng second division na i-disqualify si Legazpi City, Albay Councilor Al Barizo bilang kandidato para sa 2022 elections.
Sa punong balitaan ng Comelec ngayong hapon, inihayag ng poll body na guilty si Al Barizo sa pagpapalabas at paggastos ng public funds, 45 araw bago ang halalan, dahilan para i-disqualify ito sa councilorship race noong nakaraang taon sa Legazpi City, Albay.
Nag-ugat ang disqualification sa petisyon ni Joseph Armogila patungkol sa dalawang araw na pagbabayad ng cash assistance sa mga tricycle driver sa lungsod.
Si Barizo ang pangatlo na idineklarang disqualified ng poll body sa nasabing payout activity na naging dahilan din ng pagkakadiskwalipika nina dating Governor Noel Rosal at Mayor Carmen Geraldine Rosal.