Diskwento Caravan ng DTi, umarangkada na

Manila, Philippines – Umarangkada na ang Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry upang magbigay ng mas mababang presyo ng mga school supplies sa buong bansa.

Sa ginanap na Presscon sa tanggapan ng Department of Education, sinabi ni Trade and Industry Usec. Teodore Pascua, target ng kanilang diskwento caravan ang mga mahihirap na komunidad upang tulungan ang mga ito na makabili ng mga murang gamit sa eskwela.

Paliwanag ni Pascua, umaabot sa mahigit na limampung mga diskwento caravan ang nakakalat ngayon sa iba’t-ibang probinsya kung saan makakabili ng mga bag, uniporme, sapatos, notebook, ballpen, lapis, pantasa, mga pangkulay, lunch box at maraming iba pa.


Dagdag pa ni Pascua sa mga hindi makakabili sa diskwento caravan, maaari pa rin umanong bumili ang mga magulang ng gamit ng kanilang mga anak sa maraming pamilihan dahil wala namang masyadong paggalaw sa presyo ng mga school supplies.

Bagamat aniya may mga naitala silang paggalaw sa presyo ng lapis at papel, hindi naman umano ito kataasan at pasok pa rin naman sa suggested retail price ng DTI.

Klinaro naman ni Pascua na hindi sakop ng basic commodities ang mga school supplies subalit kasama pa rin ito sa mga monimonitor ng ahensya upang matiyak na walang magsasamantalang mga negosyante.
DZXL558

Facebook Comments