Isinusulong ni Senator Lito Lapid ang pagbibigay ng diskwento para sa mga mahihirap na naghahanap ng trabaho.
Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 2382 o ang Indigent Job Applicants Discount Act.
Kapag naisabatas ang panukala, mabibigyan ng 20 percent discount ang indigent job applicants o mahihirap na aplikante sa mga bayarin at iba pang singil sa kukuning certificates at clearances mula sa mga ahensya ng gobyerno na requirement para sa kanilang employment.
Sakop ng panukala ang clearances na iniisyu mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), marriage at live birth certificates mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), at transcript of records at authenticated copy ng diploma sa state universities and colleges (SUCs).
Kasama rin dito ang medical certificate para sa local employment mula sa kahit saang government hospital na lisensyado ng Department of Health (DOH), medical certificate para sa foreign employment mula sa alinmang DOH-accredited medical facility para sa OFWs, dagdag pa rito ang Tax Identification Number (TIN) at iba pang documentary requirements na ire-require sa kanila ng employer.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay ang mga pasok sa below poverty threshold na tinukoy ng PSA.
Ayon kay Lapid, paraan ito para mabigyan ng patas na oportunidad ang mga naghihikahos na kababayan para madaling makahanap ng trabaho kaya hiling nito sa mga senador ang agad na pag-apruba sa panukala.
Mahaharap naman sa karampatang parusa ang mga lalabag oras na maisabatas ang panukala.