Diskwento sa pamasahe sa mga estudyante, ipinaalala ng senador na uubra pa rin ngayong Holy Week

Pinayuhan ni Senator Sonny Angara ang mga mag-aaral na dalhin ang kanilang mga student ID sa pagbyahe sa kanilang mga probinsya dahil epektibo pa rin ang 20 percent student discount kahit na ngayong Holy Week.

Paalala ni Angara, malinaw na nakapaloob sa kanyang iniakdang batas na Republic Act 11314 na available ang student discount sa pamasahe sa buong period na naka-enroll ang mag-aaral kasama na ang weekend at mga holidays.

Maaari pa ring makuha ng mga estudyante ang discount sa pamasahe sa ticket sa eroplano, barko, bus at maging sa tren ngayong Mahal na Araw.


Sakali namang walang ID na dala ang mag-aaral ay maaaring ipakita ang validated enrollment forms at government ID para sa pagkakakilanlan.

Nagpaalala rin si Angara sa mga may-ari o operators ng transport services at sa kanilang mga empleyado na mahaharap sila sa mabigat na multa kapag tumanggi na magbigay ng student discount sa pamasahe sa mga estudyanteng inaasahang magsisiuwian sa mga probinsya ngayong Holy Week.

Facebook Comments