DISMAYADO | Ilan pang senador, nagpahayag ng pagkadismaya kay Uson at Drew Olivar

Manila, Philippines – Bukod kay Senator Nancy Binay ay nagpahayag din ng pagkadismaya sina Senators Chiz Escudero at Bam Aquino sa video ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar kung saan ginagawa nilang katatawanan ang sign language.

Para kay Senator Escudero, ang nabanggit na video ay nagpapakita ng kawalan ng pakundangan, pagiging ignorante, arogante at pag-abuso sa kalayaan sa pagpapahayag.

Diin ni Escudero, sinasaktan na nina Assistant Secretary Uson ang mamamayan na kanilang pinaglilingkuran at ang kanilang boss.


Si Senator Aquino naman ay nananawagan ng suporta para sa komunidad ng mga pipi at bingi at sa agarang pagsasabatas ng Filipino Sign Language o FSL Act.

Una nang pinaalalahanan ni Senator Binay si Assistant Secretary Mocha, na bilang isang opisyal ng pamahalaan ay hindi nito dapat inaalipusta o ginagawang katatawanan ang taumbayan na kanyang pinagsisilbihan.

Facebook Comments