DISMAYADO | Matagal na pagkaparalisa sa NAIA, ikinadismaya ni Sen. Poe

Manila, Philippines – Ikinadismaya ni Committee in Public Services Chairperson Senator Grace  Poe ang napakatagal na pagkaparalisa sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang sumadsad ang Xiamen air plane noon pang Huwebes ng gabi.

Ipinunto ni Senator Poe na napakahabang oras na nakahambalang sa runway ng NAIA ang sumadsad na eroplano kaya wala ding eroplano ang makalapag o makalipad habang libu-libo ang stranded na pasahero.

Bunsod nito ay iginiit ni Poe sa Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Transportation (DOTr) na dapat agad-agad ang paglutas sa ganitong problema.


Tanong ni Senator Poe, wala bang nakalatag na tugon ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa mga ganitong kaganapan sa paliparan.

Wala rin aniya ba tayong angkop na kagamitan para sa agarang pag-tow o paghila sa mga nasisirang eroplano?

Paliwanag ni Senator Poe, hindi lamang kita ang nawawala sa bansa dahil sa ganitong sitwasyon dahil apektado ang turismo natin o ang paghikayat sa mga dayuhan na bumisita sa bansa.

Facebook Comments