Manila, Philippines – Mariing kinondena ni Senator Kiko Pangilinan ang pagkamatay sa loob ng kulungan ng inarestong tambay na si Genesis “Tisoy” Argoncillo.
Diin ni Pangilinan, resulta ito ng minadaling operasyon ng mga otoridad na ang layunin ay maghasik ng takot sa mga tambay.
Iginiit naman ni Senador Chiz Escudero sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at huwag agad makuntento sa findings ng Quezon City Police District (QCPD).
Nababahala naman si Senador Bam Aquino sa nangyari dahil ipinapakita nito na ang mga mahihirap na naman ang biktima.
Pinuna ni Aquino na halos lahat ng mga naaresto ay mga mahirap at ang mga operasyon ay ginagawa sa mahihirap na komunidad.
Kinuwestyon naman ni Senador Panfilo Ping Lacson kung bakit ang katulad ni Argoncillo na dinampot lang dahil sa pagiging tambay ay inihalo sa bilangguan ng mga suspek sa pagpatay.
Naniniwala si Lacson, na posibleng buhay pa si Argoncillo kung hindi ganito ang ginawa ng mga umaresto sa kanya.