Manila, Philippines – Dismayado si Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan na hanggang ngayon ay nakapako pa rin sa 6.7 percent ang inflation rate.
Ayon kay Pangilinan, tila wala naman talagang kongkretong hakbang ang pamahalaan para masolusyunan ang mataas na presyo ng bilihin.
Ikinaalarma din ni Senator Pangilinan na tumaas pa sa 10.7% ang presyo ng bigas nitong Oktubre, kumpara sa 10.4% noong nakaraang buwan.
Muli pinaalala ni Pangilinan ang mga mungkahi na kanilang inilabas para maibaba ang inflation rate.
Una rito ang pagsuspinde sa dagdag na buwis na ipinataw ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law sa produktong petrolyo.
Ikalawa ang pagtiyak na nakikinabang sa unconditional cash transfer program ang mga mahihirap na apektado ng mataas na inflation rate.
At ikatlo ang pagreporma sa liderato ng National Food Authority o NFA at pagtiyak na natutupad nito ang mandato na kontrolin ang presyo ng bigas.
Dagdag pa ni Pangilinan, dapat magtrabaho ng husto ang NFA makaraang ianunsyo ng Vietnam at Thailand na hindi sila lalahok sa bidding para sa supply ng 203,000 metriko tonelada ng bigas.