Minamadali na ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon at pagsusumite ng rekomendasyon sa kaso ng pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, target nilang matapos ang dismissal case sa loob ng 30 araw.
Kapag napatunayang guilty, maaaring madiskwalipika sa serbisyo at maalisan ng lahat ng benepisyo si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.
Aniya, kapag tumagal ay hindi lang ang naulilang pamilya ng mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio ang agrabyado kundi maging ang gobyerno na patuloy na nagpapasahod sa kanya.
Magtutungo siya sa Tarlac para personal na i-monitor ang kaso kasunod na rin ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na tiyaking mapaparusahan ang suspek.
Nabatid na sa sampung taong serbisyo ni Nuezca, naharap siya sa anim na kaso na kinabibilangan ng grave misconduct, serious neglect of duty, refusal to undergo a drug test, administrative case, suspension at dalawang homicide cases noong 2019 na na-dismiss dahil sa kawalan ng substantial evidence.
Samantala, nilinaw ni Triambulo na na-dismiss ang homicide cases ni Nuezca matapos na mapatunayang lehitimo ang buy-bust operations kung saan niya napatay ang dalawang drug suspect.
“Dati po siyang operative at kasama sa anti-drug operation. Doon po sa kanilang isang operasyon, buy-bust, dalawa pala ay namatay. So lumabas sa imbestigasyon na well-coordinated sa PDEA, kumpleto ang papeles, may mga pre-op after operation pati yung mga nakuha doon sa crime scene ng SOCO ay lumabas na legitimate operation,” paliwanag ni Triambulo sa panayam ng RMN Manila.