Manila, Philippines – Umaasa si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na permanente ang dismissal o pagpapatalsik na ipinataw ng Ateneo de Manila University sa estudyante nito na base sa nag-viral na video ay ilang beses na nam-bully at nanakit sa ilan niyang kapwa estudyante.
Pinuri naman ni Senator Sonny Angara ang nabanggit na pasya ng Pangulo ng unibersidad na si Fr. Jose Ramon “Jett” Villarin.
Panawagan ni Angara, bigyan ng kinakailangang atensyon at tulong ang mga estudyante nito na naging biktima ng bullying.
Hangad naman ni Senator JV Ejercito na magsilbing leksyon ang sinapit ng Ateneo high school student na nagsagawa ng pambu-bully.
Diin ni Senator Ejercito, dapat lang disiplinahin ang mga bully kasabay ang paggiit na responsibilidad at kasalanan ng mga magulang ang maling pagpapalaki sa kanilang anak.
Una ng sinabi ni Senator Kiko Pangilinan na dapat maipataw ang nararapat na kaparusahan na akma para sa isang estudyante na nagbu-bully.
Diin naman nina Senators Risa Hontiveros at Bam Aquino, walang puwang ang pambu-bully sa kahit saang paaralan na itinuturing na ikalawang tahanan ng mga mag-aaral.