Dismissed Bamban Mayor Alice Guo at 31 pa, pinakakasuhan ng DOJ sa money laundering

Nasa 62 counts ng paglabag sa anti-money laundering ang inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na isampa laban kina dismissed Bamban Mayor Alice Guo at 30 indibidwal.

Kaugnay ito sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at ang bilyun-bilyong pisong halaga ng assets sa mga sinalakay na POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, kasama na rin dito ang pag-ikot ng pera na nakuha sa mga iligal na paraan gaya ng love scams.


Damay rin sa 31 na pinakakasuhan ang mga personalidad na dati na ring iniuugnay sa operasyon ng iligal na POGO gaya nina Lin Wen Yi, at umano’y kapatid ni Alice na sina Shiela Guo, at Siemen Guo.

Ayon pa kay Clavano, ihahain ang kaso sa Manila Regional Trial Court pero wala itong binanggit na petsa kung kailan.

Samantala, ibinasura naman ng panel of prosecutors ang reklamong money laundering sa ilalim ng Section 4 (c) at Section 4 (e) na inihain laban kina Cassandra Li Ong na nagsilbi noon na kinatawan ng Porac POGO hub, Atty. Jason Masuerte at Nancy Gamo.

Sabi ni Clavano, ito ay dahil sa kakulangan ng ebidensiya at mababa ang tiyansa ng conviction.

Facebook Comments