Dismissed Bamban Mayor Alice Guo, hindi na pagbibigyan ng isa pang executive session

Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na malabong pagbigyan muli ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality si dismissed Bamban Mayor Alice Guo na magsagawa ng executive session.

Para kay Gatchalian, wala siyang nakuhang bago sa mga sinabi ni Guo sa dalawang isinagawang executive session ng komite at halos lahat ng naihayag ng sinibak na alkalde ay nabanggit na rin niya sa public hearing.

Aniya pa, sa kanyang personal na pag-aanalisa ay wala siyang nakuhang bagong impormasyon na pwedeng gamitin ng komite para matukoy kung sino ang mga nasa likod ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).


Bagama’t may ibang detalye na sinabi si Guo sa executive session na hindi niya pwedeng isapubliko subalit wala naman silang mapiga kung may taga-gobyerno ba o kung may mga malalaking personalidad ang nasa likod ng paglaganap ng iligal na operasyon ng mga POGO.

Kaya kung si Gatchalian ang tatanungin, hindi na dapat pang pagbigyan sakaling hihirit muli ng executive session si Guo dahil naka-dalawang beses na ito na closed-door hearing kung saan ang una ay inabot ng isang oras habang ang ikalawa ay dalawang oras pero wala rin silang masyadong napala.

Facebook Comments