Kinumpirma ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na hindi siya tatakbo sa 2025 midterm elections.
Sa kabila na rin ito ng naunang pahayag ng kanyang abogado na maghahain si Guo ng Certificate of Candidacy (COC) para muling tumakbong alkalde ng Bamban, Tarlac sa susunod na taon.
Sa naging pagtatanong ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada kay Guo tungkol sa isyu ng kanyang pagtakbo sa 2025 elections, direktang sinabi ng sinibak na alkalde na hindi siya kakandidato sa halalan.
Ayon kay Guo, haharapin muna niya ang mga akusasyong ibinabato sa kanya tulad na lamang sa iligal na operasyon ng POGO at ang kanyang pagkakakilanlan.
Sinabi pa ni Guo na lilinisin muna niya ang kanyang sarili at para maging patas na rin sa kanyang mga constituents na minamahal sa Bamban.