Bago mag-alas-8:15 ngayong umaga ay dumating na sa Senado si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para humarap ngayong alas-9 ng umaga sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Dumating si Guo sakay ulit ng coaster ng Philippine National Police (PNP) at may mga nakabuntot din dito na mga police vehicles at hagad.
Ito na ang ika-13 beses na imbestigasyon ng Senado patungkol sa pagkakasangkot ni Guo sa mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Bamban at ang pagtakas nito sa bansa.
Escorted ng mga babaeng pulis itong si Guo na tulad sa nakaraang pagharap nito sa Senado ay nakasuot siya ng yellow detainee shirt, bulletproof vest, at kevlar helmet.
Dumiretso si Guo sa tanggapan ng Senate Sergeant at Arms Ret. General Roberto Ancan para doon muna maghihintay habang inaabangan ang pagsisimula ng pagdinig ngayong araw.
Inaasahang may mga ihaharap na dagdag na mga ebidensya ang ilang senador tulad ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada laban kay Guo lalo na ang sinasabing kaugnayan ni Sual Mayor Liseldo “Dong” Calugay sa alkalde lalo na sa naging papel nito sa pagalis ng bansa ni Guo.
Inaabangan din ang pagharap muli ng pinakilala nitong kapatid at kasama sa pagtakas sa bansa na si Shiela Guo at malalaman din natin kung makahaharap na ngayong araw ang incorporator naman sa POGO hub sa Porac, Pampanga na si Cassandra Li Ong.