Nakapaglagak na ng piyansa si dismissed Bamban, Tarlac Alice Guo para sa kinakaharap niyang 2 counts of graft sa Valenzuela RTC Branch 282.
Sa pagdinig kanina sa sala ni Judge Elena Amigo Amano, tinangka ni Atty. Stephen David na magkaroon ng status quo o manatili sa Philippine National Police (PNP) custodial facility si Guo dahil maituturing na high profile ang kaniyang kliyente.
Gayunman, sinabi ng korte na may letter request ang Quad Committee ng House of Representatives na kunin ang kustodiya kay Guo dahil sa contempt order nito.
Sa Lunes pa ito tatalakayin ng korte at kung ganito ang mangyayari, sa Valenzuela Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang bagsak ni Guo.
Dito na nagmosyon so Atty. David na magpiyansa na lang ang kaniyang kliyente.
Kinatigan naman ni Judge Amano ang hirit na piyansa ng kampo ni Guo.
Gayunman, iginiit ng Ombudsman prosecution team na gawing triple ang piyansa dahil maituturing na flight risk si Guo, mula sa dating ₱90,000 kada bilang ng graft, ginawa itong ₱270,000. Sa kabuuan, nasa ₱540,000 ang inilagak na piyansa ni Guo.
Kahit nakapagpiyansa na si Guo, kulong pa rin siya sa Pasig female dormitory.