Magbibigay ng mahigit 1 Milyong dolyar ang kumpanya ng ‘The Walt Disney’ sa Bahamas bilang tulong matapos wasakin at sirain ng bagyong Dorian ang naturang bansa.
Ayon sa pahayag ni Disney chairman at CEO na si Bob Iger noong Martes, ika-3 ng Setyembre, hiling nila na ang kanilang donasyon ay makatulong sa unti-unting pagrekober ng mga nasalanta.
Kabilang dito ang pagsasaayos at pagsusuplay ng pagkain at mga ‘basic construction materials’ na kakailanganin.
Sinabi niya, “The Walt Disney Company stands with the people of the Bahamas affected by Hurricane Dorian.”
Ibinahagi naman ni Jeff Vahle, presidente ng Disney Cruise Line na mangunguna sa nasabing donasyon, “The Bahamas is such a special place to us and our guests, and we have watched the devastation created by Hurricane Dorian with concern and heartache.”
Matatandaang nito lamang Linggo ay tumama sa bansa ang nasabing bagyo na nasa Category 5, ang pinakamataas na lebel, na nagdala ng 180 miles per-hour na hangin at ‘storm surge’ at tumagal ng higit isang araw bago nagtungo sa Florida.
Tinatayang aabot naman sa 5-bilyong dolyar ang kabuuang sinirang ari-arian ni Dorian at mahigit sa lima ang naiulat na nasawi.