Displaced workers, iha-hire bilang contact tracers sa NCR Plus – ayon sa DOLE

Tatanggap ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga displaced at informal sector workers para magsilbing contact tracers sa ilalim ng emergency employment program sa NCR Plus bubble.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinayuhan niya ang mga local government units (LGUs) sa bubble area sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kailangang isalang sa pagsasanay ang mga contact tracers sa loob ng 10 hanggang 15 araw sa kanilang komunidad o lokalidad.

Ang pagtanggap ng displaced workers bilang contact tracers ay makakatulong sa mga LGUs na maabot ang kanilang manpower requirement para matunton at matukoy ang COVID-19 cases.


Sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program, ang mga displaced, underemployed at seasonal workers ay bibigyan ng emergency employment sa loob ng 10 hanggang 30 araw, depende sa gagawing trabaho.

Layunin din ng program na magbigay ng temporary wage employment sa mga manggagawa sa informal sector na naapektuhan ng pandemya.

Bukod sa TUPAD program, ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), isang one-time cash assistance program sa formal works ay aarangkada muli kapag sinimulan ng DOLE tumanggap ng applications mula sa mga employer.

Facebook Comments