Naniniwala ang dating dean ng Ateneo de Manila School of Government na si Atty. Tony La Viña na malaki ang posibilidad na mabasura ang disqualification cases laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang panayam, sinabi ni La Viña na mayroong mabigat na argumento kung bakit dapat mabasura ang mga kaso.
Aniya, hindi dapat i-disqualify ang nangungunang kandidato na may malaking suporta mula sa taumbayan, dahil tila ipinagkakait sa kanila ang kanilang gusto, batay sa political 101, may mga bagay na ang mga tao ang dapat magdesisyon at hindi ang korte.
Idinagdag ni La Viña na ang political doctrine na ito ay tinatalakay sa mga law school kaugnay sa disqualification cases sa national elections.
Naniniwala si La Viña na ipauubaya ng Commission on Elections at ng Supreme Court sa mga tao ang pagde-desisyon sa usapin sa pamamagitan ng kanilang mga boto.
Isa pa aniya sa legal na argumento para kay Marcos ay nasunod nito ang lahat ng mga kwalipikasyon ng isang presidential candidate na nakasaad sa Konstitusyon.
Bukod kay La Viña, ilan pang law experts kabilang sina Emmanuel Samonte Tipon, isang Filipino lawyer na naka-base sa United States at dating dean ng Northwestern University College of Law, Ateneo law professor at dating justice secretary Alberto Agra, at University of Sto. Tomas College of Law Dean Nilo Divina ang nagsabing mahina o walang legal na basehan ang pitong disqualification cases na isinampa laban kay Marcos.