Wala nang hadlang sa pagtakbo sa pagkapangulo ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ito’y makaraang ibasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng natitirang disqualification cases na isinampa laban sa kanya.
Sa 44-pahinang resolusyon na pinonente ni Commissioner Aimee Ferolino ng First Division at sinang-ayunan ni Commissioner Marlon Casquejo, ibinasura ng poll body ang tatlong natitirang petisyon dahil sa kakulangan ng merito.
At upang maalis ang pagdududa kung ang kabiguang maghain ng income tax ay isang krimen na kinasasangkutan ng mor turpitude, tinukoy ng poll body ang pronouncement ng Supreme Court sa kaso ng Republic of the Philippines vs. Ferdinand R. Marcos II at Imelda R. Marcos kung saan ipinasya ng high tribunal na ang kabiguang maghain ng tax return ay hindi krime na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Sa ruling ng poll body, malinaw na ang sentensya kay Marcos na magbayad ng multa ay hindi saklaw ng anumang pagkakataon para sa disqualification sa ilalim ng Section 12 ng Omnibus Election Code (OEC).
Nakasaad din sa desisyon na immaterial kung nagbayad o hindi ng multa o penalties si Marcos sa RTC (Regional Trial Court) ng Quezon City, dahil ang kanyang sentensya ay wala sa purview ng Section 12 ng EOC.
Ang mga ibinasurang disqualification case laban sa presidential aspirant ay isinampa nina Bonifacio Ilagan, Abubakar Mangelen, at ng grupong Akbayan.
Una nang ibinasura nng Comelec Second Division ang petisyon na nagpapakansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.
Sa 32-pahinang ruling na nilagdaan ni Presiding Commissioner Socorro Inting at sinang-ayunan nina Commissioners Antonio Kho at Rey Bulay, nakasaad na walang misrepresentation na ginawa ang dating senador.
Iginiit ng mga petitioner na sina Fr. Christian Buenafe, Fides Lim, Ma. Edeliza Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland Vibal at Josephine Lascano na naglalaman ng ilang false representations ang COC ng presidential candidate.
Pinuri naman ni Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, ang ruling sa pagsasabing nagsinungaling ang mga petitioners at sinadyang iligaw ang Comelec sa pamamagitan ng pagsasaad ng mga maling probisyon ng batas.